Monday, April 22, 2013

RIO ALMA’S ON FIRE (Third of four parts) (March 18, 2013)

Tagapangulong Virgilio S. Almario, wearing his trademark fedora hat, and the new Komisyon sa Wikang Filipino's Kalupunan ng mga Komisyoner. Standing from left: Com. John Barrios, Com. Orlando Magno, Com. Jimmy Fong, Com. Jerry Gracio, Com. Abdon Balde. Seated, from left: Com. Ma. Crisanta Flores, Com. Lucena Samson, Com. Lorna Flores,  Com. Purificacion de Lima, and Com. Noriam Ladjagais. (Photo by Kriscell Largo Labor)

Vim Nadera: Sir, what’s in store for May?
Virgilio Almario: Sa Mayo, kung saka-sakali, ipagdiriwang namin ang pagkamatay ni Vicento Sotto dahil sa buwang iyon siya yumao. Kaya magkakaroon tayo ng forum sa ngalan ni Vicente Sotto para sa peryodismo o pamamahayag. Si Sotto kasi ay isang peryodista pero siya rin ang itinuturing na Ama ng Panitikang Bisaya. Hindi lamang siya ang tagapagsulong ng Panitikang Sebuwano kundi siya rin ang kauna-unahang kinatawang Bisaya sa noo’y Surian ng Wikang Pambansa. Ito ay pagpapatunay lamang sa aking pagdakila sa mga katutubong wika sa Filipinas. Hindi ako pro-Tagalog. Napakaraming bagay ang matutuhan natin sa mga panitikan at kultura mula sa iba-ibang katutubong wika natin sa Filipinas. Kaya dapat natin silang makilala at mapag-aralan lahat.

VN: Any more language heroes you want to honor?
VA: Sa aking talumpati para sa Ambagan 2009 sa Unibersidad ng Pilipinas, maaalala mong pinamagatan ko itongMga Unang Bayani Ng Wikang Pambansa. Ilan sa mga una kong binanggit ay sina Felipe Jose, Wenceslao Vinzons, Tomas Confesor, Hermenegildo Villanueva, at Norberto Romualdez. Sino nga ba sila? Sila ang mga delegado sa 1934 Kumbensiyong Konstitusyonal. Doon kasi opisyal na ipinanganak ang Wikang Pambansa -- batay sa isang wikang katutubo ng Filipinas at ang mga pangalang inilista ko ay lima lámang sa mga bayaning nagpanukala, nagtanggol, at nagtrabaho alang-alang sa mithiing ito. May iba pa, at mababanggit ko sa aking talakay, ngunit nais kong mag-umpisa sa lima. Sa pamamagitan nilá lilinaw kung bakit ganito ang Seksiyong 3, Artikulo XIII sa 1935 Konstitusyon. Dahil dito, aming bubuksan sa Hunyo ang Publikong Talakayan sa ngalan naman ni Norberto Romualdez hinggil sa Araling Pangkultura. Lingid sa kaalaman ng marami, siya kasi ang gumawa ng batas na lumikha ng Surian ng Wikang Pambansa. Kung si Pangulong Manuel Luis Quezon, na isang Tagalog, ang Ama ng Wikang Pambansa, si Romualdez, na isang Waray, ang maituturing na Arkitekto ng Wikang Filipino! Sino nga ba siRomualdez? Siya ay isang dating mahistrado sa Korte Suprema, miyembro ng National Assembly, iginagálang na pilolohista. Siya ang bumuo sa batas upang isagawa ang tadhana ng 1935 Konstitusyon. Nasa likod siya ng National Assembly ng 1936 kung kailan nagkaroon ng Commonwelt Act No. 184. Mas kilala ito bilang National Language Law na bumuo ng National Language Institute (NLI) at ng Wikang Pambansa. Ang totoo, siya rin ang nakipag-usap kay Jaime C. de Veyra -- ang kaniyang kaibigan at kapuwa Waray -- upang maging unang tagapangulo ng NLI nang buksan ito noong 1937. Wala pang isang taon, inirekomenda ng NLI ang Tagalog bilang batayan ng Wikang Pambansa. Noong 1937 din, pinirmahan ni Quezon ang Executive Order No. 134 na nagpoproklama sa “isang wikang pambansa batay sa diyalektong Tagalog bilang wikang pambansa ng Filipinas.” Hanga ako sa sipag ni Romualdez sa pagsusulong ng Commonwealth Act No.184 sa kongreso. Pati kay de Veyra na nakaupô noong tagapangulo ng kagawaran sa Espanyol sa UP. Magkasáma rin kasi sila sa samahang Waray. Gayunman, tulad ni Romualdez, pinilì ni de Veyra na maglingkod para sa Wikang Pambansa. Hindi naging sagwil ang interes sa Waray upang kilalanin ang Tagalog bilang higit na karapat-dapat na batayan ng Wikang Pambansa.

Dagdag pa rito, si Romualdez ay maraming saliksik tungkol sa katutubong musika, instrumento, at iba pang kung tawagin ngayon ay Cultural Studies. Kaya, angkop lamang na dakilain siya sa Hunyo sa pagkakaroon sa KWF ng kauna-unahang Norberto Romualdez Publikong Talakayan sa Araling Kultura sa Filipinas.

VN: What about July?
VA: Ang Sawikaan: Mga Salita ng Taon ay isinilang sa isang pulong natin sa FIT, o Filipinas Institute of Translation, noong Pebrero 2004. Iminungkahi noon ang pagtataguyod ng isang proyekto para piliin ang pinakamahahalagang salita ng taon. Ito ay inspirado ng proyektong Word of the Year ng American Dialect Society (ADS). “Wang-wang" noong 2012 ang napadagdag sa ating mga napiling Salita ng Taon kasama ng “huweteng" noong 2005, “lowbat" noong 2006, “miskol" noong 2007, at “jejemon" noong 2010. Sa taong ito, magpapahinga muna tayo. Pero, muli, makikipagtutulungan tayong taga-FIT sa Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) at sa Kagawaran ng Filipino ng Paaralan ng Humanidades ng Ateneo de Manila University. Kaya, gaya ng dati, ang mga iskolar, guro, at masusugid na tagapagtaguyod ng wika ay pinagpása natin ng abstrak para sa gaganaping Ambagan 2013: Kumperensiya sa Paglikom ng iba’t ibang Salita mula sa mga Wika sa Filipinas sa ika-25, 26, at 27 ng Hulyo 2013 sa Ateneo. Ito ay ginagawa tuwing ikalawang taon. Una itong ginanap noong 2009 na kinatampukan ng mga panayam ng mga eksperto hinggil sa mga salita mula sa mga wikang Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Ilokano, Ifugao, Kinaray-a, Magindanaw, Maranao, Kapampangan, Pangasinan, Tagalog, Tausug, at Waray. Alinsunod ito sa probisyong pangwika sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng Konstitusyon ng Filipinas na nagsasabing “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.” Kaya, ito ay nag bunga ng isang estratehiya sa pagpapayaman ng wikang Filipino. Kaya tayo humahalaw mula sa kaban ng bokabularyo ng iba’t ibang wika sa Filipinas upang ilahok sa korpus ng wikang pambansa. Noong 15 Pebrero ang takdang panahon para sa pagpapása ng abstrak na hindi lalabis sa 300 salita. Dapat kasing maghanay ang mananaliksik ng mga salitang may natatanging kahulugan sa kultura at kasaysayan ng pinagmumulang etnolingguwistikong pangkat. Dapat maipaliwanag ang metodong gagamitin sa pangangalap, pagpapakahulugan, at pagbibigay ng halimbawang gamit sa pangungusap o karaniwang pag-uusap. Dapat ding mapangatwiranan kung bakit mahalagang maging bahagi ng korpus ng Pambansang Wika ang mga salitang ito. Para sa reserbasyon, maaaring tumawag sa # 547-1860. Hanapin sina Dr. Michael M. Coroza, Direktor ng Kumperensiya, Prof. Romulo P. Baquiran Jr., Pangulo ng FIT, at Ms. Eilene G. Narvaez, pangkalahatang koordineytor ng mga gawain. O bisitahin ang website ng FIT na sawikaan.net at/o magpadala ng mensahe safilipinas.translation@gmail.com.

No comments:

Post a Comment