National Artist Virgilio Almario, with his trademark fedora hat, and the new Komisyon sa Wikang Filipino board of commissioners |
Vim Nadera: Sir, what is your master plan for the Komisyon ng Wikang Filipino?
Virgilio Almario: Marami. Kung tutuusin ang KWF ay quasi-constitutional. Nasa Saligang Batas ng 1987 na kailangang magtayo ang Kongreso ng isang Commission on Filipino Language. Ito ang dapat mangasiwa sa isa pang probisyon na dapat palaganapin ang isang wikang pambansa, na ang tawag ay Filipino, sa pamamagitan ng pagpapayaman at pagpapaunlad nito sa tulong ng iba’t ibang wika sa Filipinas.
VN: Known before as Surian ng Wikang Pambansa (SWP), KWF boasts of its former directors – such as Jaime C. de Veyra, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda, Cirio H. Panganiban, Cecilio Lopez, Jose Villa Panganiban, and Ponciano B.P. Pineda. What ever happened to KWF before you took over?
VA: Mayroon ngang Implementing Rules and Regulation ang KWF pero ito ay depektibo. Wala itong naging plano man lamang sa loob ng 12 taon. Kaya sa loob ng dalawang linggo, wala akong ginawa kundi ayusin ang IRR. Pagkaraan, nagpa-workshop ako para gumawa ng isang medium-term plan para sa anim o pitong taon. Kaya nga lang nahuli na ito dahil nagsimula na ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Kaya tuloy sa ginawang pagbabalangkas ng pamahalaan, walang banggit kung paano palalaganapin ang wika, paano ito payayamanin, paano ito magiging isang modernong wika, paano magiging opisyal na komunikasyon, at paano ito magiging wikang panturo. Katunayan, noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, inihabla natin siya. Kinuwestiyon namin ang Korte Suprema tungkol sa E.O. 210 at iba pang regulasyong tulad ng DepEd Order 36 S 2006. Pinapawalang-bisa din natin ito dahil ang EO 210 at DepEd Order 36 paglabag sa Saligang Batas. Kakampi natin dito, bukod sa mga anak mo, sina Dr. Patricia Licuanan, noon ay Presidente pa ng Miriam College; Pambansang Alagad ng Sining na si Bienvenido Lumbera; balae kong sosyologong si Randolf David; ang dating Presidente ng WIKA Inc. na si Isagani R. Cruz; at Efren Abueg, ang writer-in-residence ng De La Salle University. Si Atty. Pacifico A. Agabin, dating dekano ng College of Law ng University of the Philippines, ang ating abogado noon. Natatandaan ko pa nang kausapin ko noon ang dating Punong Komisyoner ng KWF, ang sabi pa nga niya ay tama raw si GMA.
At nang magkaroon nga ng K-12 ang Departamento ng Edukasyon, wala man lang papel na ginampanan ang KWF sa pagbuo ng kurikulum. Dahil dito, hindi nabigyan ng diin ang gagampanan ng Filipino sa pagkakaroon ng bagong basic education program.
VN: So what was your initial reaction?
VA: Sinulatan ko agad si Bro. Armin Luistro ng Dep Ed at si Dr. Patricia Licuanan ng Commission on Higher Education para sabihin sa kanila na ako na ang bagong Punong Komisyoner ng KWF. At, kasabay nito, sinabi ko ring ibig kong makipulong sa kanila. Para malaman ko ang kanilang pagtingin at patakaran tungkol sa paggamit ng Filipino. At kung may maiitulong ang KWF tungkol sa mga bagay na ito.
VN: How did they respond?
VA: Noong Pebrero 27 nagpasabi na ang CHEd na sila ay handang makipag-usap. At nitong Pebrero 28, nang aksidenteng magkita kami ni Sec. Luistro, hindi pa raw niya nababasa ang sulat ko. Kaya sinabi ko na sa kaniya na gusto ko sana na lahat ng bagay na may kinalaman sa Filipino, sana ay isangguni muna sa KWF, para mas mapag-aralan pa bago ito isagawa. At nasa batas ‘yon. Hindi lamang ito tungkulin ng KWF kundi isang kapangyarihan. Kapangyarihan ng KWF ang lahat ng bagay na tulad nito sa lahat ng sangay ng gobyerno. Ito ang nakasaad sa Republic Act 7104. Ang KWF ay may tungkuling tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at iba pang wika.
VN: And your next step is…
VA: Kaya ngayong Marso magkakaroon ng National Consultative Forum on Filipino Orthography. Ito ay gaganapin ngayon, Mar.11, hanggang Mar.13, mulang 8 n.u. hanggang 5 n.h. sa Benitez Auditorium, College of Education ng UP Diliman. Ito ay para mapag-usapan na at mabigyan na ng sagot ang lahat ng isyu, o anomalya, tungkol sa ispeling. Lahat na. Magkaisa na. Ngayon, pagkaraan nito, kapag di kayo sumunod dito, di kayo kasali. Ipaiiral namin ito sa lahat, mula sa gobyerno hanggang sa paaralan. May mga inanyayahan kaming mga resource person. Pero bukas ang talakayan sa publiko. Ibig sabihin, kung sino man ang may interes tungkol sa isyu na ito ay puwedeng pumunta at lumahok sa talakayan. Inaasahang magsalita ang bagong Lupon ng KWF na sina Jerry B. Gracio (Samar-Leyte), Purificacion Delima (Iluko), Abdon M. Balde Jr. (Bikol), Noriam H. Ladjagais (Mga wika sa Muslim Mindanao), John E. Barrios (Hiligaynon), Orlando B. Magno (Sebwano), Jimmy B. Fong (Mga wika sa pamayanang pangkultural sa Hilaga), Lucena P. Samson (Kapampangan), Ma. Crisanta N. Flores (Pangasinan), at Lorna E. Flores (Mga wika sa pamayanang pangkultura ng Timog). Pamumunuan ito ng batikang iskolar na si Dr. Galileo S. Zafra, ang direktor ng proyektong Gabay sa Editing sa Wikang Filipino, na galing pa sa Japan. Dadaluhan ng mga manunulat, editor, brodkaster, negosyante, at iba pang propesyonal – kaya puwedeng pumunta ang sino mang ibig makisangkot sa ganitong talakayan.
VN: What about next month?
VA: Ang Abril ay nakalaan sa panitikan -- dahil Araw ni Balagtas ito. Unang-una, ibabalik namin ang prestihiyo ng Talaang Ginto. Makakaasa kayong hihigpitan namin ngayon ang pananalo. Ibabalik namin ang dating pangalan nito. At gagawin naming isang buong araw ang pagdiriwang. Magsisimula ito sa umaga sa pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ni Francisco Balagtas sa Pandacan, Maynila sa tulong ng tanggapan nina Alkalde Alfredo Lim at Gemma Cruz-Araneta. Tradisyon na rin ito para sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo . Tapos magkakaroon nga ng paggagawad ng Talaang Ginto. At ibabalik namin ang Panayam Balagtas. Taon-taon may pipiliin kaming eksperto na magsasalita hinggil sa ano mang aspekto ng panitikan.
No comments:
Post a Comment